(L/R) John Khoe (World News), Linggoy Alcuaz, Atty. Alan Paguia, Col. Oscarlito Magpalo, Atty. Melchor Madamo, Sgt. Vidal Doble Jr. Kit "Kilatis" Lagare, Brig. Gen. Danilo Lim, Jun Lozada, Col. Ariel Querubin, Jovy de Guzman, and Malou Nahara (Mary Kay).

VIDAL DOBLE: NGAYON KO NA SASABIHIN...

            Sa kauna-unahang pagkakataon ibinulgar ni Sgt. Vidal Doble Jr., na una niyang ipanagkatiwala ang "HELLO GARCI TAPE" kay Col. Dioscoro T. Reyes. Lubos diumano ang kanyang tiwala na ito ay may sapat na lakas ng loob at di matatawarang pusong makabayan, upang ibunyag ang mga kabuktutang sumalaula sa pambansang halalan 2004.
            Sa pag-asang maitutuwid ang binaluktot na resulta ng halalan ng napapanahon, agad binigyan ni Doble ng kopya ng recordings si Col. Reyes. Ito'y sa mga unang araw pa lamang sa buwan ng Hunyo 2004. Bago pa naideklang panalo si GMA. Ngunit dismayado aniya siya at sa di maipaliwanag na kadahilanan hindi naibunyag agad ang anomalya.
            Matatandaan na Hunyo 2004 na nalantad ang Garci Recordings. Mahigit isang taon ang nakalipas mula ng ito'y naganap at anim na taon ang lumipas ng namatay ang tunay na nanalong pangulo na si Fernando Poe Jr. (FPJ).

            Sa training pa lamang kapag ang Trainee ay nakakitaan ng ugaling makakasama sa bayan at sambayanan agad itong sinisibak. Ito ang tumatak sa isipan ng isang Vidal Doble na nagbunsod sa kanyang ilantad ang naturang recordings. Si Doble na noon'y nakatalaga sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ay naatasang i-monitor at i-wiretapped ang ilang personalidad na may kilalaman sa halalan, kasama na ang noo'y nakaupo at kandidatong pangulo, Gloria Macapagal-Arroyo. - Kilatis

KAHIT KAILAN KAHIT SAAN, TULOY ANG LABAN...

            HANDA kaming humarap sa Truth Commission. Ito ang tugon nina: Gen. Danilo Lim; Col. Querubin; Col. Oscarlito Mapalo, at, Jun Lozada, sa mga mamahayag sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan (ginaganap every TUESDAYS sa Don Barucho's Cafe, the Rotary Center, Mother Ignacia corner Roces Avenues, Quezon City) kahapon, a-19 ng Oktubre 2010. 
           Kumbinsido anila kami na sinsero si Pangulong Noy (PNoy) na akayin ang sambayanang Filipino sa matuwid na landas. Ito ang dahilan kaya kahit marami ang kumokuwestiyon sa pagtalaga kay dating Chief Justice Hilarion Davide bilang pinuno ng nabanggit na komisyon, handa pa rin silang bigyan ito ng pagkakataong ipakita ang kanilang katapatan sa tungkulin sa bayan. - Kilatis 

IPASA WHISTLEBLOWER ACT, BAGO LAHAT...

            SAWA na kami sa dinanas naming kaapihan at panggigipit. Kaya namin pero gustuhin man naming manindigan para sa bayan, awang-awa naman kami na sa aming mga sarili at mga mahal sa buhay na labis-labis nang nagpakasakit. Kaya dapat lamang na gawin naman ng kinauukulan, partikular ang mga mambabatas ang kanilang tungkulin. Tungkuling bigyang proteksiyon ang mga weyselblower na kagaya namin. Ito naman ang panindigan ng isang grupo ng mga weyselblower na kinbibilangan nina: Sandra Cam; Atty. Melchor Madamo; Sgt. Vidal Doble Jr.; at, Jose Barredo.
            Ang panukala ay kasalukuyang binabalangkas sa kongreso. Hinaing ng grupo: "Sa bansang ito ang mga nagsusulong ng interes ng sambayanan, sampu ng kanilang mga mahal sa buhay, ang palagi nalang nalalagay sa balag ng alanganin. Samantala, puro naman pagtatamasa ng sarap sa buhay iyong mga mananamantala!"
            Kaya payo nila sa mga makabayan, mag-antabay muna bago sumuong sa magulo na delikado pang buhay weyselblower. Ito din ang dahilan kung kaya ang isa pang magbubulgar ng anomalya sa hudikatura na ayaw munang magpakilala at ayaw din muna niyang tumbukin kung saan at ano ang detalye ng naturang anomalya, ay naghuhunos-dili pa muna. - Kilatis

SANDRA CAM, TUMAAS BLOOD SUGAR...
Oktubre 20, 2010

           Hindi nagawang dumalo ni Sandra Cam sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan kahapon dahil sa biglang pagtaas ng kanyang blood sugar. Nauna ng kinumpirma ni Sandra ang kanyang pagdalo sa pulong-balitaan na ginanap kahapon, a-19 ng Oktubre 2010. Kinilatis sa naturang pulong-balitaan ang tapik: "WEYSELBLOWING - ADBENTYURISIM O PATRIYUTISIM?" Ang naturang pulong-balitaan ay ginaganap tuwing araw ng Martes, 9:30 hanggang 11:30 ng umaga sa Barucho's Cafe, the Rotary Center, Mother Ignacia corner Roces Avenues, Quezon City.
           Si Sandra ay kasalukuyang naka confine sa isang ospital sa Cavite. Sa panayam sa pamamagitan ng telepono kanyang tinuran ang panghihinayang na hindi nakadalo sa pulong. Sayang aniya ang pagkakataong maihayag ang kanyang damdamin sa mga isyung tinalakay. Gayundin din ang pagkakataon na muling makita si Col. Oscar Mapalo na itinuturing nitong "kuya." 
            Apela ni Sandra sa mga mambabatas, bilisan na ang pagpasa sa binabalangkas na "Whistleblower Act." Ito'y hindi lamang makabubuti para sa kapakanan nilang mga nauna nang nanindigan ngunit para sa ibang pang susunod sa kanilang yapak. Ito aniya ay makabubuti para sa kapakanan ng bayan sa kabuuan. - Kilatis

ATTY. MAGDAMO: IWAS PUSOY SI CHAIRMAN MELO...
(Oktubre 20, 2010)

            NILAMON NG SISTEMA. Maaring umiiwas lamang o tuluyan ng nilamon ng sistema si COMELEC Chairman Melo. Ito ang patuloy na pinaninindigan ni Atty. Melchor Madamo, ang weyselblower ng tinaguriang "COMELEC FOLDER SCAM," sa harap ng mga mamamahayag sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan, sa Don Barucho's Cafe, the Rotary Center, kahapon, a-19 ng Oktubre 2010.
           Dala ng katapatan sa serbisyo at husay sa trabaho, karay-karay ni Chairman Melo ang dating ayudante sa Korte Suprema na si Atty. Madamo. Sa umpisa ani Magdamo, todo suportado ang kanyang boss sa ginagawang paglilinis sa ahensiya sa mga katiwalian. Matatandaan na nagbitiw ng salita noon si Chairman noong siya'y nanumpa sa tungkulin. Aniya: "Let's stop being called the raiders of the temple of the votes of the people. Let us be called the re-builders of the temple of the votes of the people." Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan, iba na ang tuno ng mga salita nito, puna ni Atty. Magdamo.          - Kilatis

COL. MAPALO: PROMOTION BOARD NASASAULA...
(Oktubre 20, 2010)

             MARIING TINULIGSA ni Col. Oscarlito Mapalo ang kalakaran sa Promotion Board ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.Hindi aniya makatarungan ang gawi ng mga miyembro nito. Bukod sa ito'y napupulitika na... napipersonal pa. Huwag mo lang masaling ang kuko ng kanilang kaalyado, pati "MEDAL OF VALOR" ay hindi irerespeto. Lahat ng mga kumikinang na rekord sa serbisyo walang halaga sa mga ito. Mas binibigyan nila ng importansiya ang sasabihin ng kanilang mga ka-kusa. Mga karibal sa puwesto na maaring kakilala o kaya'y nautangan ng loob o pera. Maging sa mga kaibigan na naiinggit ay walang ligtas ang aspirante, sa kasalukuyang sistemang pinapairal sa board. 
            Ito ang ibinulgar noon ni Col. Mapalo, matapos na siya ay magbitiw sa tungkulin. Ayaw niya, aniyang kalabanin ang organisasyong kinaaaniban, kaya nagresign muna siya.
            Ang nakakalungkot, sa halip na dinggin, pakinggan, at alamin ang puno't dulo ng kanyang hinaing at ituwid kung meron mang pagkakamali, siya'y ibinitin sa ere. Hanggang ngayon hindi pa niya alam kung siya ba'y retirado na o sinibak na. Tunay nga'ng nakabitin sa ere.
            Si Mapalo ay isa sa mga umaasang ipatatawag at handang humarap sa Truth Commission upang patunayan na hindi adbentyurisim ang dahilan ng kanyang pagiging Weyselblower. - Kilatis

PAGUIA: AMNESTIYA, MAKALIMUTIN...
(Oktubre 20, 2010)

            PAALALA ni Atty. Alan Paguia sa mga sundalong panauhin kahapon sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan, pag-aralan munang mabuti ang mga probisyong nakasaad sa "Amnesty Program" na ilalatag ng pamahalaan sa kanila. Balitang-balita kasi, aniya, ang probisyong hindi na maaring ibalik sa puwesto ang mga opisyal na pasasailalim ng programa. Samantala, ang mga ordinaryong sundalong sangkot din sa kaparehong kaso ay ibabalik sa serbisyo. Taliwas ito sa saligang batas, aniya, kung saan pantay-pantay sa mata ng batas ang lahat ng mamamayan. Hindi din aniya ito angkop sa espiritu ng amnestiya kung saan ang prinsipyo ay kalimutan lahat ng nakaraan.
            Sa isang banda, naghain ng apela si Atty. Paguia sa kataas-taasang hukuman, kamakalawa, na huwag kalimutan bagkus tuldukan na ang suspensiyon na ipinataw sa kanya ng hukuman mahigit anim na taon na ang nakaraan. Kasabay nito ang kanyang panalangin sa korte na ibalik na ang kanyang lisensiya bilang abogado, bago pa dunating ang susunod na kaarawan ni Jesukristo.
            Katwiran ni Paguia, ang kaso ng dating pangulo Joseph Estrada na siyang naging dahilan ng kanyang pagkasuspendi ay matagal ng tapos. Bukod dito, ang parusa para sa pinakaseryosong pagkakamali ng isang abogado ay anim na buwan na suspensiyon lamang. Sa madaling sabi aniya, kung siya ay talagang nagkamali, napagsibihan na niya ang parusa para dito ng sobra-sobra pa. - Kilatis

COL. QUERUBIN: MUKHA NG ABOGADO, NAKAPAG-ALBUROTA NG MGA SUNDALO...
Oktubre 20, 2010

            NGITNGIT AT GIGIL ang nararamdaman ng mga sundalo oras na bumalandra sa iskrin ng telebisyon ang mukha ng abogado ni First Gentleman Mike Arroyo at walang kakurap-kurap na pinangangalandakang walang nangyaring bilihan ng boto sa Mindanao noong halalan 2004. Papano nangyari iyan eh kami ang nagsisekyur sa inyo rito sa Mindanao noong mga panahong iyon. Ito ang ilan sa mga naibulalas ni Col. Ariel Querubin, kahapon sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan.
            Lumutang noon ang balitang mismong si Mike Arroyo ang personal na naghahatid ng mali-maletang perang pambili ng boto sa Mindanao, na isinasakay sa helicopter, ngunit matigas niya itong itinatanggi. - Kilatis

SGT. DOBLE: SORI MGA SIRS...
Oktubre 20, 2010

            SINAMANTALA ni Sgt. Vidal Doble ang pagkakataon upang humingi ng tawad sa mga opisyal na sina, Gen. Lim, at Col. Querubin. Marahil aniya, kung hindi niya binulgar ang "Hello Garci Recordings" ay hindi nagkawindang-windang din ang buhay ng mga nabanggit na opisyal. Sa isang pambihirang pagkakataon nagsama-sama ang mga nabanggit, kasama ang ibang pang mga Weyselbower na sina Atty. Melchor Magdamo, Col. Oscarlito Mapalo, at Jun Lozada, sa isang media forum (Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan) sa Quezon City.
            Ginawa mo lamang ang dapat gawin ninumang malagay sa ganung kalagayan. Ito ang naging tugon ng naturang mga opisyal, kay Doble. - Kilatis 

            

GEN. LIM: HINDI MAGSASAWANG MANINDIGAN...
Oktubre 20, 2010

            MINSAN NG NAPARUSAHAN si Gen. Lim sa kasong pag-aaklas laban sa pamahalaan. Ngunit noong siya'y tanungin kahapon sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan (Don Barucho's Cafe, the Rotary Center, Quezon City), kung muli pa siyang mag-aaaklas sakaling mapagkalooban siya ng Amnesty ng kasalukuyang pamahalaang PNoy, walang kagatol-gatol siyang sumagot ng "oo." Hindi aniya siya magsasawang manindigan para sa kapakanan ng sambayanang Filipino hangga't hindi nakakamit ang mabuting pamamahala. - Kilatis

JOVY DE GUZMAN: HUWAG MAG ALA-MENDOZA...
Oktubre 20, 2010

            Dala marahil ng  awa sa mga kaapihang sinapit ng mga sundalong panauhin kahapon sa Kilatis Panday-lipunan, Pulong-balitaan, hindi naiwasang magtanong o magsumamo sa mga ito si Jovy, isang brodkaster, na huwag naman sana silang mag ala-Rolando Mendoza. Bilang tugon sinigurado ng mga ito na hinding-hindi nila gagayahin si Mendoza. - Kilatis

ADBENTURISIM ANG WEYSELBLOWING?
Oktubre 20, 2010

            IPINAAALALA ni Col. Querubin, doon sa mga nagdududa na pera-pera lang ang pagiging makabayan ng mga Weyselblower, partikular na kanyang panig, na minsan na siyang dineklarang patay. Nangyari iyon dahil sa kanyang bukal sa kaloobang pagtupad sa sinumpaang tungkuling pag
lingkuran ang bayan, higit sa sinumang pinuno. At, hindi siya mag-aatubiling gampanan uli iyon kapag hinihingi ng pagkakataon.
           Walang bahid pagsisisi sa ni isa sa mga Weyselblower na dumalo sa Pulong-balitaan kahapon. Bagkus kitang-kitang buhay-na-buhay ang alab sa kani-kanilang mga puso na ipagpatuloy ang napagsimulang laban hanggang sa ito'y matuldukan. - Kilatis