Picture

Picture
             8 BILYONG PISONG REMITANS SA GSIS
                      NAGLAHO NA PARANG BULA
                                              (12:30 pm, Posted 17 November 2010)

Isang kasunduan kamakailan ang nilagdaan sa pagitan ng Government Service Insurance System (GSIS) at ng Department of Education (DepEd), na ang pangunahing layunin ay pagtugmain ang mga talaan ng koleksyon at remitans ng dalawang ahensiya upang matukoy kung saan napunta ang tinatayang halagang WALONG BILYONG PISONG GSIS premium payments ng mga kaguruan na nawawala.

Unang nadiskubre ang suliranin taong 2004 noong umpisang maglahad ng talaan ang GSIS, ayon kay SVP Robert Agustin. Upang bigyang lunas, noong a-19 ng Disyembre 2005, naglaan ang GSIS ng halagang 17.3 milyong piso para sa proyektong ang pakay ay linisin at pagtugmain ang talaan ng dalawang ahensiya, hinggil sa usapin. Ang DepEd ang magsasagawa ng proyekto. Kasama sa naturang pondo ang honorarium ng mga Encoders. Nagkasundo ang dalawang panig na tatapusin ang trabaho sa loob ng anim na buwan. Ngunit, sa loob ng itinakdang panahon at hanggang sa kasalukuyan, hanggang sitenta’y sais porsiyento lamang ang natapos ng DepEd. Ang bagong kasunduan ang siyang inaasahang tatapos sa natitirang labing apat na porsiyento. Ang naturang porsiyento ay nagkakahalaga ng WALONG BILYONG PISONG pinagsanib na sapi ng DepEd at ng mga guro
Sa panibagong kasunduan, ang DepEd, sa ilalim ng bagong pamunuan, ay kusang nangakong tatapusin ang trabaho bago sumapit ang a-15 ng Disyembre, kasalukuyang taon.  
Samantala, habang hindi pa nareresulba ang gusot, kahit pa ang mga kaguruan ay walang ligtas sa kaltas ng premium payments dahil bago pa man sumayad sa kanilang mga palad ang kanilang suweldo ay bayad na ito, at sa malabo pa sa sabaw ng pusit na kadahilanan kung bakit ang malaking bahagi ang naturang bayarin ay hindi nakatala sa GSIS, ang mga kawawang guro na apektado ay hindi makapagtatamasa ng mga kaulangang benepisyo at makakaltasan ang kanilang benepisyo sa pagreretiro, ng pagkakautang (pinababayaran sa miyembro ang mga hindi nairemit) na hindi nila alam at ni wala silang kinalalaman. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga masamang epektong bunga ng situwasyong kinasasadlakan ng mga kawawang guro.
Ngunit, huwag mawalan ng pag-asa, dahil ayon mismo kay VP Ella Valencerina (Public Relations), dinig ng bagong pamunuan ng GSIS ang mga hinaing kaya’t kasalukuyan nang kinikilatis ang mga dating patakaran at rerebesahin ang mga ito kung kinakailangan o kaya’y kung ito’y para sa kapakinabangan ng mga kasapi, lalot’t higit ang mga guro na siyang may pinakamaraming bilang sa hanay ng mga kasapi ng GSIS.  
“Bago pa pumasok sa GSIS, batid na ng mga bagong itinalagang opisyales, sa pamumuno nina Chairman Daniel L. Lacson Jr. at President &  General Manager Robert G. Vergara, ang problema ng mga kaguruan (kasama na ang mga non-teaching personnel), kung kaya agad nila itong binigyang priyoridad.” Ito ang inihayag nina SVP Robert at VP Ella ng GSIS, sa mga taga-media sa Kilatis Panday-lipunan Media Forum noong Martes, a-9 ng Nobiyembre 2010, kung saan ang mga nabanggit na matataas na opisyales ng GSIS ang mga pauhin.
Layunin din ng kasunduan na ideklara ng DepEd ang naturang pagkakautang sa GSIS, kasabay ang panghihikayat sa DBM na kumbinsihin ang kongreso na maglaan ng kaukulang pondong pambayad nang sa gayun ay maisasaayos ang rekord ng mga apektadong guro at maayos nang maproseso ang kani-kanilang mga benepisyo.