Picture

Title.

ATOMIC ELECTRICITY,

SLEEPING BEAUTY

KILATIS by Kit “Kilatis” Lagare

Posted 24 November 2010

3:41 p.m.

 

KAUNAUNAHANG BANSA SA ASYA na nagpatayo ng plantang nukliyar pang kuryente. Wala ng iba pa. Ang Pilipinas iyon. Ang galing ng Pilipinas. Nagpapauso. Hindi sumusunod lamang o gaga-gaya-puto-maya.

Iyon nga lang, naitayo nga agad namang itinumba at pinatulog ng walang humpay! Matapos na dumaan sa butas ng karayom (pagsusuri ng mga kaulungan ahensiya). Matapos na ang buong Parliyamento noon ay pumunta mismo sa Bataan upang kilatising mabuti ang planta, ika nga ni Atty. Homobono Adaza na dating Parliamentarian at kasama sa pag-inspeksiyon, basta na lamang isinantabi ng pumalit na administrasyong Cory Aquino ang proyekto, nang walang kalaban-laban. Sa paningin ni Atty. Adaza, isyu ng kurapsiyon ang pinakamatinding dahilan kaya na-mothballed ito.

Pati ang usaping legal na nakabinbin noon sa Korte Suprema ay naglaho din na parang bula. Walang tuldok hanggang ngayon.

Delikado ang lugar na kinalalagyan ng BNPP dahil may earthquake Fault-line sa ilalim nito. Ito ba’y totoo? “Kasinungalingan,” sabi sa akin ni Philvocs Director Renato Solidum,Jr., noong siya’y aking tanungin sa Daungan Media Forum ng aming Liga ng mga Brodkaster sa Pilipinas. Kung hindi totoo, lumalabas pananakot lang ang motibo kaya pinalutang iyon noon. Sino naman ang nagpalutang niyon? Isang bagay ang tiyak, hindi pa lumulutang sa ilog Pasig ang kung sinuman nagpalutang niyon. Puwede bang sabihin na sinuman ang may kagagawan noon ay malaki ang pakibangan sa pagiging sleeping beauty ng BNPP? Sino-sino nga ba ang nakinabang?

Kung totoong may nangulimbat ng limpak-limpak sa pagpatayo ng BNPP, bakit hindi hinanap at siningil ang taong iyon? Maging sino man siya, ng bagong administrasyon? Bakit kailangan sunugin ang buong bahay para puksain ang mangilan-ngilang anay?

Doble dagok tuloy ang inabot ng sambayanang Pinoy. Una, hindi naibalik ang kinurakot kung totoo ngang may nangurakot. At, pangalawa, nasayang ang buong proyekto. Kung pinayagang mag-opereyt ang BNPP nakabawi sana. At malamang kaysa hindi, hindi tayo nangungulilat kumpara sa ating mga kalapit-bansa sa larangan ng ekonomiya sa panahong ito.

Marami tuloy ang naniniwala na ang mga may-ari ng mga kompanyang distribyutor ng koryente at ng mga Independent Power Producer (IPP’s) ang talagang mga BIG WINNERS! Sila’y mga naging, hindi lamang super rich kungdi talagang FILTHY RICH! Sila ang mga lubos na pinagpala sa gitna ng pagkakaparewara ng sambayanang Filipino.

Simula ng matagumpay na naitulak ni noon ay Senadora Gloria Macapagal-Arroyo ang GATT-WTO (December 1994 – pamaskong handog), at sinundan ng EPIRA LAW (2001), isa-isa ng nagsipagsara ang mga kompanya o pabrika sa loob ng bansa. Nagsilipat sa ibang bansa kong saan mura ang gastos sa produksiyon. Pangunahing gastos siyempre kuryente. At, kapag presyo ng kuryente pag-uusapan mas naungusan na natin ang Japan. 17 cents (US$) per kWh lang sila o halagang Pitong piso at labing apat na kusing, samantalang Sampung piso at limanpo’t tatlong kusing ang sa atin.

Pangguguyo ng mga nagtulak ng Epira noon, sisigla ang kompitisyon kaya bababa ang presyo ng kuryente sa sandaling walang kukontra sa Eipira. Kahit itaga pa sa bato. Hindi bato ang dapat pinagtatataga. Daing nga Atty. Adaza, ang dating binayaran niya sa kuryenteng labing dalawang libo, aba’y kuntodo asenso na, Trenta’y sais mil na ngayon.

Paliwanag kahapon sa mga mamamahayag sa Kilatis Media Forum ni Dr. Alumanda de la Rosa, ang direktor ng Philippine Nuclear Research Institute, para patakbuhin ang isang One Million Kilowatt Power Plant sa loob ng isang taon sa panggatong na coal kailangan ang 2.2 million tons. Kapag naman langis ang gagamiting panggatong, 1.2 million tons naman ang kailangan. 1.1 million tons naman kapag Natural Gas. Ngunit, datapwa’t subalit, alam ba ninyo kung ilang tonelada lamang ang kakailanganin na panggatong sa plantang nukliyar? Tatlumpong tonelada lamang!

Nananawagan din ang Director ng PNRI na rebisahin ng kongreso ang batas at bigyan daan ang pagtatag ng isa pang ahensiya na nakapokus sa regulasyon para isang trabaho na lang ang kanilang pagtutuunan ng pansin. Ang promosyon.

Wala ding dapat ikabahala ang publiko dahil ayon kay Dr. Cristina Petrache, ang Hepe ng Nuclear Services and Training Division ng PNRI, natuto na ang mundo sa mga anuna ng sakuna at, bukod sa pulido ang mga bagong safety measures, patuloy pa rin ang tutok ng mga eksperto dito upang lalong mapanatiling ligtas ang operasyon ng mga plantang nukliyar. Taliwas aniya sa paniniwalang iminulat sa taong bayan noon, ang mga ito ay makakalikasan, mura at malinis na pagkukunan ng suplay ng kuryente at higit sa lahat, ligtas gamitin.

Mahaba-haba na ring panahong natutulog sa pansitan ang Congressional Oversight Committee on Energy. Katunayan, noong tinanong ko si Direktor de la Rosa, ni minsan daw ay hindi sila ipinatawag man lang ng Komitibang ito, mula pa 1986, para magkape man lang. Aba’y di mas lalong walang panahon ang komitibang ito para pag-usapan ang lubhang kinakailangan para umunlad ang lugmok nating bayan, ang ATOMIC ELECTRICITY.

Bandilang kapos. Pilipinas iyon. Nauna pero nangulilat. Nagtayo ng kaunaunahang plantang nukliyar pero sa halip makinabang, napalautan. Ang mga bokya noon nangunguna na ngayon. Japan: merong 55, 2 ginagawa, 12 nakaplano, at, 1 binabalak. South Korea: merong 20, 6 ginagawa, 6 nakaplano. India: merong 19, 4 ginagawa, 20 nakaplano, at 40 binabalak. China: merong 11, 23 ginagawa, 34 nakaplano, at 120 binabalak. Taiwan: merong 6, at, 2 nakaplano. Pakistan: merong 2, 1 ginagawa, 2 nakaplano, at, 2 binabalak. Vietnam: 4 nakaplano, at, 6 binabalak. Thailand: 2 nakaplano, 4 binabalak. Philippines: 1 lang at balak pa lang gawin.

Ang mga nakaraang miyembro ng nabanggit na komite ay bising-bisi sa praybitisasyon ng NAPOCOR. Ang praybitisasyon ay apelyedo ng KURAPSYON, period. Ngayong Aquino na ang apelyedo na ating pangulo, tutuwid na kaya ang kanilang landas?

Suma total, ang atomic electricity ay mura, malinis, at ligtas gamitin. Kayang patakbuhin ito ng PNRI sa loob ng tatlong taon mula ngayon. Iyan ay kung agad aprubahan ng kongreso ang budget na na kanilang hirit. Kung hindi nila magagawa ang bagay na iyan, mabuti pang matulog na sila ng tuluyan dahil wala silang silbi sa bayan. Higit sa lahat, alam ba ninyo na ang ating binabayaran ngayon sa kuryente, kada kWh ay Sampung piso at Limanpu’t tatlong sentimo? At, alam po ba ninyo kong magkano na lang ang bawat kWh kapag plantang nukliyar ang gumagana? KALAHATING KUSING!