Mga Isyu sa Forum - a-26 ng Oktubre 2010

Mga Isyu
KURYENTE'Y TANSO, PRESYO'Y GINTO!

PRODUKTONG YARI SA BUNOT


Mga Panauhin
1. Uriel "Jojo" Borja, Direktor - Iligan Lights and Power, Inc
2. Pete Ilagan, Pangulo ng NASECOR (Isang NGO na kumakatawan sa mga konsyumer ng kuryente)
3. Butch Junia, Publisher ng Opinyon (Tabloid) at suporter ng NASECOR
4. Jimmy Regalario, Kilusang Makabansang Ekonomiya
5.Emerito V. Banal, Dept. of Science & Technology (DOST)

Title.

Picture

            KILATIS
                                        by Kit "Kilatis"Lagare
                                              Oktubre 28, 2010


  MAHIGIT 700B PISONG UTANG NG NAPOCOR,
              SAGOT NG BAWAT FILIPINO


            Hindi na kayang pangatawanan ng pamahalaan ang katakot-takot na utang ng NAPOCOR, kaugnay sa kalakalan ng pa-ilaw kaya lunukin natin ng buong-buo at tanggaping oras na na tayong mga konsyumer ay magpaka-Pinoy at bayaran ito. Ito ang tinuran ni Maria Luz Caminero, ang  officer-in-charge ng pinatatakbo ng gobernong Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM), noong buwan ng Agosto 2010. 
           OIC, good luck na lamang sa iyo. Mahirap kasi iyang trabaho mo. Mahirap ipaliwanag sa taumbayan kung saan napunta iyang sandamakmak na kuwartang iyan, sinasabi ko sa iyo. Sa gitna ng katakot-takot na kinikita ng mga kagaya ng Meralco, sa gitna ng ubod ng mahal na kuryenteng binabayaran ng mga Filipino, may utang pang babayaran tayo? Aba, sobrang suwerte naman nila at sobrang malas naman namin.

11.5B KIKITAIN NG MERALCO, 
PINANGALANDAKAN NI PANGILINAN
            Ang lakas naman ng tama nila. Nakukuha pa nilang magdiwang at magsaya habang ang higit na nakararaming  Filipino'y nasasadlak sa dusa't pighati. Ang mas masaklap, binubola pa tayo na kaya daw  tumaas ang kanilang kita ay dahil yumayabong ang kalakalan. Masigla ang ekonomiya. Asan?
            Niloko tayo ng mga mambabatas ng kanilang ipinasa ang BATAS EPIRA. Iyan ang maliwanag. Sabi nila ang batas na ito ay magbibigay proteksiyon sa mga konsyumer dahil magkakaroon ng kompetisyon natural bababa ang presyo. Kabaliktaran ang nangyari. Niyari tayo. Ika nga ni Jojo Borja (isang "insider" dahil siya'y isa sa mga may ari ng Iligan Lights & Power, Inc.), baliktad. Inalis pa ng naturang batas ang tabon ng kikitain ng distribyutor ng kuryente. "Ang dati naming kinita sa loob ng isang taon, sa Epira tatlong buwan pa lang kinikita na namin iyon!" Sabi niya.
            Kaya pala namudmod si Speaker Sonny Belmonte noon (na speaker na naman ngayon, diyos ko po'ng mahabagin!) sa mga tongresman ng brown envelope na ang napunta kay Cong. Magtubo ay may laman na PhP500K.
            Senate President, paalala lang, di ba ang sabi ninyo noon ay "Problema mo sagot ko!" Tapos dinagdagan pa ninyo ng "GUSTO KO HAPI KA!" Sige nga gawin mo. Ilagay mo sa tuno ang Epira Law at talaga namang magiging haping-hapi kami.

PhP25M NAKAW NA KURYENTE ISINULI, 
TINANGGIHAN NG NAPOCOR
        ANO  ITO? Iyan ay isang paboritong linya ni Senadora Mirriam Defensor-Santiago, with matching punto de Ilongo pa. Paalala lang Madam, isa kayo sa nabigyan noon ni Jojo Borja, ang "Weyselblower" ng posibleng talamak na nakawan sa NAPOCOR sa pakikipagsabwatan sa mga UNGAS at ganid na opisyal ng mga kompanyang distribyutor ng kuryente. Maari pa nga'ng may basbas ang posibleng sabwatang ito mga nasa "KAHITAASAN." Kayo po noon ang Chairperson ng Senate Committee on Energy, wala kayong ginawa. Kaibigan ninyo si GMA noon. Papano na ngayon, kikilos ba kayo? 
Narito ang ulat:
            NADISKUBRE ng isang direktor sa kompanyang distribyutor ng kuryente ang humigit kumulang ay 25 milyones pesos na hindi maipaliwag na kita ng kanilang kompanya. Sa kagustuhang protektahan ang dangal ng kompanya at ng mga ninunong nagtatag nito, mirarapat pa niyang kalabanin ang mayorya ng miyembro ng board, na panay kamag-anak pa man din niya, maisuli lamang sa taumbayan ang naturang halaga. Ang siste, ayaw tanggapin ng NAPOCOR at ERC ang pera. Bakit?
            DISMAYABONG ibinuhos ni Uriel "Jojo" Borja sa Kilatis Media Forum kahapon, ang labis na sama ng loob sa mga kinauukulan ang kinahihinatnan ng labang kanyang sinimulan noong pang 2003. 

            Nang mga panahong iyon, natutunogan niya na may hindi magandang nangyayari sa kompanya kaya kinausap niya ang kanyang kapatid na babae (noo'y nakaupo sa board) na siya muna ang hahalili. At, sa mga unang miting, doon na naitatanong ng kanilang pangulo kung ano ang gagawin sa "windfall."
             KABUBUSISI ng Direktor, lumalabas na mas mataas ang reading sa metro ng kuryrenteng kanilang ibinebenta sa kanilang mga kostumer kaysa doon sa kanilang binibili sa NAPOCOR. Mismong mga Internal Auditor nila ang nagpatunay dito batay sa "Audit Report" na isinagawa sa utos ng kompanya, noong August 1, 2003. Ang naturang Report ay may pamagat na "REVIEW ON THE ACCURACY ON THE REPORTED LINE LOSSES."

             NAKARATING ang usapin hindi lamang sa ERC ngunit maging sa Kongreso. Katunayan, nagsagawa pa ng "Imbestigasyon kaakibat ng lehislasyon (House Bill 577) ang Energy Committee sa pangunguna ni Cong. Alipio "Tikbong" V. Badelles, noong 13th Congress, upang alamin: 1. Sinisingil nga ba ng mas mababa ng NAPOCOR ang mga kompanyang distribyutor ng kuryente at gaano kalaganap ito; 2. Bumalangkas ng kaukulang batas at alamin kung sino-sino ang dapat managot sa pamahalaan at taumbayan. Sa kasawiang palad ng mga Juan at mga Juana inamag lamang ang sandamakmak na mga dokumentong sinumite ni Jojo, sa bodega ng kongreso.
            Maging sa ilang mga senador ipinarating din ni Jojo ang usaping ito kasama ang mga ebidensiyang dokumentado. Isa sa kanilang ang pamusong linya: "Problema mo sagot ko." Pero sa problema ni mang Juan na puspusang isinulong ni Jojo, hindi siya makakibo. Ang senadorang kikilalang hinahamon ng barilan ang mg kurap, ala ding silbi sa isyung ito.


PANAHON NG HALALAN 2004
           Ang "UNDER BILLING" sa Iligan Lights & Power, Inc., (na maari ring mangyayari sa iba pang distribyutor ayon sa kongrso) ay nag-umpisa noong 2002 hanggang 2004. Patungo sa panahon ng halalan. 
           Sa mga panahon ding ito naging "Weselblower" si Linggoy Alcuaz na noo'y direktor Philippine Charity Sweepstakes (PCSO). Sa kanyang expose sinabi niya na sinalaula nina Chairperson Honeygirl Singson-De Leon at General Manager Virgilio Angelo ang PCSO. 
         Ang daan-daang milyon kontrata na hindi na dinadaan sa board, aprubado na'ng pondo para sa mga gamit pang-ospital at pondong pambili ng mga ambulansiya na ayaw i-release, pati ang paglipat ng pondo ng PCSO sa Philhealth ay ilan lamang sa mga tinutukoy ni Linggoy na pambababoy sa ahensiya. 
        Palagay ko naman tandang-tanda pa natin "Hello Garci Recordings" kung saan isa sa mga inilantad ay ang sandamakmak na perang pinambili ng hindi lamang boto, kungdi manufactured "Certificate of Canvass" pati. Ibig sabihin kahit namili na ng botante ay natalo pa rin. Kaya kinailangan pang mamili ng COC. Cold cash ang ipinambayad at male-maleta ang isinakay sa helicopter at dinala sa Mindanao.
        Sa kuwento ni Col. Ariel Querubin, halos ibabalibag ng mga sundalo ang kanilang telebisyon set sa kampo tuwing makikita nila sa TV ang mukha ng abogadong tagapagsalita ni FG na itinatanggi ang ginawang pamimili ng boto at COC sa Mindanao. Sigaw ng mga sundalo: "Kami ang nagsi-sekyur sa inyo dito ng mga panahong iyon. Huwag ninyo kaming gawing mga tanga!" Oo nga naman. Baka nga hindi lang ginagawang tanga mga sundalong bantay nila, baliw na talaga. Biro mo, mag-iisip ng malalim ang mga sundalo - totoo kayang nangyari iyong binabantayan namin sila?

MGA MANDARAMBONG
          Ikinakasa na ng grupong Kilusang Makabansang Ekonomiya ang kasong pamdarambong laban sa ilang opisyal ng ERC. Iyan ang inihayag ni Jimmy Regalario kamakalawa sa Kilatis Forum. Dapat din aniyang kilatisin ang estilo ng pamumuhay ng mga opisyal na ito. Balita kasi ni Jimmy haping-hapi sila sa buhay. Naisip ko lang, hindi kaya may nagsabi kay Senador Enrile ng mga katagang iyan at kinopya lang niya? Mga taga-ERC, may nagsasabi din kaya sa inyo ng: "GUSTO KO HAPI KA?"

ASAN ANG MGA TAGA-MEDIA
          Kumento ni Linggoy, kamakalawa sa Forum, bakit marami sa taga-media hindi sumusuporta kapag ang isyu ay laban sa Meralco. Siyanga pala, ayon kay Jojo, 60 porsiyento ang bahagi ng Meralco sa kabuuan ng industriya. Ang laking isda talaga. Huwag ka kakong mag-alala, sabi ko, magpo-programa tayo sa radio, maglalathala sa diyaryo, at magpapalabas sa telebisyon - mga isyu hinggil dito at kukunin nating esponsor ang Meralco.

MAGRA-RALLY KAMI
            Bukod sa pagsasampa ng kasong pandarambong tuloy-tuloy pa rin aniya kaming magmomobilisa at magrarali sa harap ng ERC. Giit ni Jimmy Regalario. Wala rin kadala-dala sina Jimmy, kahit hindi naman lumalanding sa mga diyaryo, telebisyon at radio ang kanilang mga pagkilos. Kamailan lamang ang dami daw nilang mga nagrali sa harap na ERC pero hindi lumabas sa balita. Siyempre patatalo ba naman ang kanilang Media Bureau samantalang marami silang panggastos siguro.

BEYOND THE COMMERCE OF MEN
            Kung dineklara ng Supreme Court na ang "SIDEWALK" ay beyond the commerce of men, hindi dapat ideklara din ng bawat Filipino na ang basic na pangangailan para umunlad ang bansa, kagaya ng kuryente, ay beyond the commerce of men din? At, ang laban kontra sa mga kumikita sa negosyong ganito (na hindi lang basta kita kungdi siksik liglig at umaapaw) lalo na taga-media, dapat beyond the commerce of men din.
           Walang bansa ang uunlad kung ang ubod ng mahal ang kuryente. Papano tayo makapagkumpetensiya sa Tsina at iba pang bansa? Kaya kung hindi aayusin ito ng kinauukulan, kung sariling bulsa lang nila ang kanilang iniintindi, sa kangkungan tayo dadamputin pare-pareho.

10 MINUTONG PATAY ILAW
            Kung puro ngawa walang gawa walang mangyayari sa buhay natin pare-pareho. Manigas lang ang ating mga bagang. Hindi rin malayong mangyaring atakihin sa puso ang taong ngitngit-na-ngitngit sa galit. Habang pasipol-sipol pa habang bumibirit ng halakhak ang mga kawatan sakay ng eleganteng lemo patungo sa bangko.
            Kahit pa tambakan mo ang mga ganid na ito ng barko-barkong ebidensiya. Sankatutak na dokumento. Sandamakmak na sentido kumon. Hindi tatablan ang mga ito. Pero, kahit manipis-na-manipis na kurot lang kung paniguradong ipapataw sa mga ganitong klaseng tao, bilang parusa sa kanilang KA-UNGASAN, tiyak na sila'y matatauhan.
            Kaya para mas madali, mas malawak, mas organisado, at mas may impak (sa mga IMPAKTO), na maiparating ng mga KUNSOMIDONG KONSYUMER NG KURYENTE sa NAPOCOR, ERC, KONGRESO, SENADO, at sa TRUTH COMMISSION. 
            At, para mapuwersa silang tahakin ang "MATUWID NA LANDAS NI PNOY," suportahan po natin ang panawagang pinasimulan ng Weselblower na si JOJO BORJA. Mag "PATAY ILAW" po tayo sa loob ng sampung minuto, mula ika-7 hanggang 7:30 ng gabi simula a-1 ng Nobyembre at sa mga sumunod na araw ng Lunes. At kapag hindi pa sila umayos ng gawi, itaas natin ang antas ng parusang ating igagawad.
            WE ARE THE SOVEREIGN FILIPINO PEOPLE! THEY SHOULD KNOW THAT AND THEY SHOULD START RESPECTING THAT SOVEREIGNTY!